Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pilipin history. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pilipin history. Ipakita ang lahat ng mga post

July 15, 2008

Ang Alamat ng Singkong Kulot

Naabutan mo na ba ang singkong kulot? Kung ikaw ay myembro ng generation XYZ, malamang hindi. Pero kung ikaw ay kasingtanda na ni Kopong Kopong, sigurado, pasok ka!

Wala lang. Kasi habang nagmumuni-muni ako habang nanonood ng palitan ng dollars at pesoses, di ko maubos maisip kung bakit, habang tumatanda ako, lumiliit ang halaga ng pera. Naiisip ko tuloy kapag natigbak na ako eh can't afford ko na ang halaga ng kabaong. Kahit magpa-cremate mahal din.

Balak ko sana wag na mamatay para di ako magastusan. Pero malabo. Kaya ang solusyon ko dun, para makatipid, bibili na ako agad ng kabaong habang medyo mura-mura pa ang kahoy. Narra para mas matibay hindi bubukbukin.

Enihoo, naalala ko din yung pera noong araw, noong mga panahong nasa elementary pa kami ni Mahoma. Noon kasi, yung baon kong beinte singko sentimos, nakakabili na ako ng palamig at sinulbot (banana cue po iyon). At sempre, me tira pa ako para ipambayad kay Ma'am dun sa pulburon na ibinebenta nya sa classroom. Kahit di masarap, kelangan bumili ka ke ma'am para mataas ang grade mo. Nakakaiwas lang kami bumili ng polvoron kapag me supply na nutri-bun sa canteen. At kapag me piso ka, makakabili ka na ng house en lot. At ang mga singko ay iniipon namin. Nautuwa kasi kami dahil kakaiba sya, kulot.

At kahit bata pa kami, me savings account na kami sa Banco Filipino. Yung mga sampera na square ang madami kaming naiipon, bukod kasi sa paborito yung ipamigay ng mga lolo't lola namin, magaan din kasi sya sa bulsa. Sa sobrang gaan nya, lumulutang sya sa tubig. Oo, pramis.

Hinalughog ko ang internet para malaman kung bakit ginawang kulot ang singko na yun. Di naman kulot si Tandang Sora. (tol, piktyur nya ang nakalagay dun, see pic. ayun andun sa itaas) Kaso, wala akong makita eh. Siguro kaya ginawang kulot yun, para kapag hinahawakan mo, madali mo syang malalaman kung singko nga sya. Siguro din, dahil disco era noong mga 70's, uso ang afro, kaya ayun, sumunod sila sa uso. Baka rin naman kulot yung chairman ng banko sentral noon.

Ngayon me singko pa rin naman, kaso mo butas na sya. At di ko rin malaman kung bakit nag-i-isyu pa nito. Eh yung beinte singko nga wala ka na mabili eh, singko pa kaya. Mas mahal pa nga ata ang value nung bakal na ginagamit para gumawa nito. Sana ginawa na lang nilang plastic para mura. Pwede pa i-recycle.

Di naman ako nahirapan maghanap ng piktyur ng singkong kulot. Yun, madali hanapin. Kaso hanggang ngayon, di ko pa rin makita yung kapatid ng singkong kulot, si singkong duling. Bukas ko na lang sya hahanapin, gabi na.

May 5, 2008

Lang-magu To-its!

Minsan mahirap din kapag ang mga kasama mo eh puro magugulang (street smart po). Kasi lahat kayo magugulang, walang pwede malamangan. Pero paminsan minsan, pipilitin at pipilitin ng ilan na manggulang (manlamang) hanggat makakalusot. Kung makakalusot lang naman! Kung pupwedeng kitain ang pera sa madaling paraan, gagawin, hindi pagpapaguran.

Matagal na din naman akong hindi nakakauwi, pero hanggang ngayon sikat pa rin ang Recto. Kasi naman kung ang mga kolehiyo ay tinatawag na diploma mill ng ilan, and Recto ay literal na pagawaan ng mga diploma. Gusto mo, sa Harvard ka pa grumadweyt, pwede dun, meron din sila.

Madalas din ako noon dun. Pero hindi para magpagawa ng diploma, kundi ang magpagawa ng mga registration papers tuwing enrollment. Kasi naman noon, wala pa akong computer, sila meron pati mga scanner at kung anu ano pang gadget. Nagpapagawa kasi ako dun ng mga papeles na pang enroll.

Para sempre, mailagay ko dun sa mga papeles ang presyong gusto ko. Kung ang enrollment fee ko ay 12,000 pesoses, ipapalagay ko doble. O di ba, sarili kong magulang kina-katkongan ko. (Katkong tawag dun sa "cut" at/o patong)

Kaya naman tuwing enrollment, paldo ang lolo mo. Psst isang round pa nga!

Ngayon, di lang diploma marami dun, lahat ng raket meron. Lalo na ang mga murang cellphone. Alam na natin kung san galing yung mga yun. Kaya nga hindi ako magtataka kung makakabili ka ng iPhone dun. Ganun sila katindi.

Ewan ko na lang kung sa Luneta eh tuloy pa din ang mga raketeers. Kasi madalas noon, me mga "photographers" don na nakapwesto. Mag-aalok ng piktyur piktyur sa mga tatanga-tanga. Ang ulaga naman papayag sempre, magpapa-piktyur para ika nga me remember. Hihingan ni potograper si tanga ng deposit. Kasi nga naman, baka pagbalik ng potograper e wala na sila, malulugi nga naman si potograper di ba?

E di po-pose na yung mga pipiktyuran, ala pang FHM, sasabihin nung potograper...

"say Cheese!"
"okey, good.... one more... 1....2....4!"

"Klik! Kilik! Klik!" "Klik pa ulit!"



Ang di alam nung tatanga-tanga, wala namang lamang film yung camera, flash lang!

Kaya, hayun, ang kawawang pobre, gabi na, naghihintay pa dun sa me skating rink, hinihintay yung piktyur nila. Ang dehins nila alam, sa Timbuktu na dine-develop yun. Ang potograper, kung hindi nakauwi na, andun sa underground ng Luneta at nagpapalipas ng oras. Kung di mo alam, me underground po sa Luneta. Yung mga nakikita mong parang bilog na takip na parang papunta sa sewer system? Yung mga manhole? Me mga kwarto po dun na parang opis.

Dun kasi ako nag-oopisina noon kaya alam ko.

Mahirap ang nanlalamang sa kapwa. Lahat ng bagay umiikot at bumabalik. Ang tawag ng iba dito, karma. Pero sa totoo lang, natural ng ikot yun ng buhay.

Kaya naman natawa din ako nung mabalitaan ko itong isang pinsan ko, natural kasi na wais daig pa si Lumen. Minsan naglalakad sya papasok ng mabundol sya ng isang kotse. Daplis lang naman pero sempre natumba sya.

Nung matumba sya, parang me nag-spark na bumbilya sa kanyang brain. Kahit na walang masakit, nagkunwari syang me nararamdaman. Para nga naman bayaran sya ung nakabundol sa kanya. So ayun, sakit sakitan ang lolo mo. Dinala sya sa ospital. Siguro iniisip nya, kunwari magsa-shock shockan sya.

Ayun, nung dinala sa ospital, sempre check ap check ap. Wala namang bali or kung anupaman. Pero dahil sempre check ap, me nadiskubre ang doktor. Meron daw pala syang tuberculosis.

Ang galing ano po?

March 18, 2008

Mahal ang Araw

Mahal na araw na po. Holy Week, Semana Santa. Kung bakit mahal na araw ang tawag dito, di ko alam. Kung sa atin, busyng busy na ang lahat pag-uwi sa kani-kanilang probinsiya, dito sa Merika, dedma.

Para tuloy ang sarap sarap magbakasyon. Sa amin sa Timbuktu, parang pyesta pag ganitong mga araw. Masaya.

Umaga pa lang, me parada na. Parada na yung mga naka-hubad at me dala-dalang panghagupit na me nakakabit na parang tinik. Enjoy na enjoy sila at napapa-ahhhh sa bawat hataw sa likod nila. Ang mga bata naman, nakabuntot at nanonood. Hinuhulaan kung sino yung mamang nagpe-penitensya kasi nga nakatakip naman yung mga mukha.

Meron namang iba, me bitbit pang mga alalay. Yung alalay ang me dala-dalang pamalo at syang humahataw sa likod nila. Yung iba naman ang dala ay dos por dos, para nga naman mas cute. Paminsan minsan, pina-flying kick din nila para mas masaya.

Pagdating ne Biyernes Santo ang main event. Me mga nag-iikot na mga naka-maskara na ang tawag namin ay mga Morion (hango sa tradisyong Moriones Festival na kinopya sa kapit-bahay na probinsya) at nanghahabol ng mga bata. Pagkatapos, pupunta sa sentrong lugar at doon, me ipapako sa krus. Minsan me totoong ipinapako, minsan naman medyo nababahag yung buntot ng iba, baka nga naman matetano sa pako kaya nagpapatali na lang. Sempre abaka ang gamit para makabayan.

Sabado, tahimik lahat. Walang pyesta maliban dun sa mga manginginom na di pwedeng lilipas ang gabi na hindi nasasayaran ng alak yung kanilang mga sawa sa tyan.

Sa Linggo naman ng pagkabuhay, sa madaling-araw me salubong. Me magpapanggap na anghel na kunyari-kunyarian ay bababa sa ulap. At pagkatapos non, diretso na lahat sa beach. Yun ang hinihintay ng lahat. Kasi super daming tao. Kumbaga kapag Easter Sunday, yun ang the place to be. Hindi ka "in" kung wala ka dun. Kinahapunan naman, me pakontest sa plasa ng mga higanteng saranggola. Pero hindi naman yun ang pinapanood ng mga tao kundi yung mga bakasyonistang galing sa kung saan.

At dahil Holy Week, at uso ang penitensya... isasalpak ko sa susunod na mga post yung mga kakaibang penitensya na nai-epal sa akin na siguradong matutuwa yung mga masokista dyan.

December 22, 2007

Abogado ni Kopong Kopong

Magrereklamo ako. Discrimination, racial profiling at kung anu ano pa. My rights were violated. Kukuha ako ng pinakamagaling na abogado para ipaglaban ko ang aking niyurakang dangal.

Yang PPP na yan, Entrecard at kung anu-ano pa. Ayaw nila sa akin, kasi di raw ako marunong mag-English. Ang sabi nila, mag-aral daw muna ako. Kahit konti lang daw, baka daw sakali pumasa ako. Ayoko nga! Marunong pa sila sa ken. Ayokong ipagpalit ang integridad ng blog na ito. Ayokong ipagkanulo ang aking pananagalog dito. Makabayan ata ako. Kung ayaw nila sa blog ko, wag nila. Yun na lang ibang blogs.

Bakit, pag ba magaling kang magsalita ng Ingles, matalino ka na? Kapag ba english ang version ng salita mo, maiintindihan ka na ng madla? Eh pano kung jologs ang aking madla na nag-eenjoy namang makichukchak sa Tagalog? Papano kung nauuta ka na sa English at gusto mo ng native? Papano kung mas trip kong gamitin yung ibang salitang para kang nakikipag-usap sa mga ibon?

Kaya ba sikat si Inday kasi high polluting ang Ingles nya? Masarap pa rin ba pakinggan yun sa tenga kung umaagos na ang dugo sa ilong mo? O nakapikit ka lang kasi di mo naman talaga naiintindihan at nakiki-ride ka lang? Bakit kapag ibang contestant sa Miss Pulis Pangkalawakan, pwede kumuha ng interpreter, bakit pag tayong Pinoy hindi? Bakit pag Pinoy ang nag-iingles ng pilipit, nakakatawa, pero pag Amerkano nagta-tagalog ng pilipit, kyut? Bakit tanong ako ng tanong, di ka rin naman sasagot?

Kinusulta ko ang isa sa pinakamagaling na abogado ni kopong kopong, si Atty. Dacuycoy. Sabi nya, malaki daw laban ko kaya makakabawi ako. Kailangan ko lang daw siguruhin na itataktak ko at di ako tatakbo. Sabi ko, atorni, kahit pa ubod ng nakngteteteng super duper arte si Wille, TFC pinapanood ng nanay ko dito. Ngumiti lang sya at tumitig sa hangin.

Di mo naitatanong, matagal nang abogado itong si atorni. Matindi ang kanyang bio data. Sumikat sya nung maging isa sya sa legal counsel ni Pepe sa Fort Bonifacio. Sabi nya ke Pepe.....

"Hokey lang yan kahit mayaman ka, mas mahirap ka pa rin sa mga prayle, kaya sigurado, magiging bayani ka. Pero para mas epektib yung photo ops mo kapag binaril ka, tatalikod ka muna, sabay biglang harap, parang model ng shampoo, oks?"

Kung kaya naman, sya ang kinuhang abugado nina Procopio at Andres noong nililitis ito ng tropa ni Aginaldo sa kasong rebelyon. Sabi nya...

"Hokey lang yan, mas patok sa pipol ang underdog, kaya wag na kayong magkudeta, kopo na nina Aginaldo ang mga sundalo. Kung ma-salvage man kayo, at least bayani kayo di ba? Kaya lang bawal ang kamera, walang piktyur! Wala na ba talaga kayong iba pang kapatid na pede isama, mas marami kasi mas patok!"

Sya rin ang nag-arbitrate nung peace agreement nina Lapu-Lapu at Magellan.

Lately, tingin ko sya ang nag-advise ke Trillanes na mag walk out sa korte at magkuta sa Manila Pen. Di lang sinunod ni Trillanes yung advise nya na maging bayani, allergic kasi yun sa usok.

"Ano, game ka na ba?" tanong ni atorni. "Wak na lang atorni, baka ma-whammy pa ko. Gimme some money lang naman gusto ko." sagot ko.

"KJ ka naman, anti-hero kaw."
"Anti-hero ka dyan, anti-hero mo mukha mo."