Ipinapakita ang mga post na may etiketa na palarong pambansa. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na palarong pambansa. Ipakita ang lahat ng mga post

June 17, 2008

May HIV Ka Na Rin Ba?

Edad trenta ako nang malaman ko. Buraot na nga ako, nadagdagan pa ang pagka-buraot ko. Kaya yata buhat noon, hindi na ako nagbe-bertdey. Napako na sa trenta ang edad ko. Ayoko kasing mawala sa kalendaryo. At mas lalong ayoko na mapasama sa bingo. Tutal baka hindi na rin naman ako umabot ng sitentay singko (yung huling numero dun sa bingo card, hello?).

Hindi ko malaman kung saan ko nakuha. Sabi kasi nila, ganon daw kapag palikero ka. Di naman ako palikero talaga. Palengkero pwede pa. Di rin naman ako skirt-chaser tulad ng iba. Nagkataon lang talagang likas akong mapagbigay (ahem). At lalong hindi ako chikboy. Yung pwede sa chick pwede sa boy.

Siguro dahil maaga akong nag-umpisa sa buhay. Maaga akong nagbisyo. Madalas nga noon, napapansin ng nanay ko kung bakit hingi ako ng hingi ng barya. Akala nya nya, nagugumon ako sa tong-its. Di nya alam, binibili ko ng yosi. Madalas na rin akong lasing noon, di lang napapansin nung mga kuya ko. Madalas kasi, mas lasing sila kesa sa akin.

At hindi din nila alam na kahit bagets pa ako, nakakapasok na ako sa mga lugar na patay-sindi at mga lugar na mapupula ang ilaw. Kasi naman napapaligiran nung mga ganung klaseng lugar yung eskwelahan namin. Ang akala lang nila, diretso ako sa iskul. Kahit pa Sabado at Linggo. One time akala nila aquarium ang "school project" namin kasi madalas namin pagkwentuhan nung kaklase ko yun. Sempre kelangan ng gastusin para sa aquarium. Di nila alam ibang aquaruim yung project namin. Yung walang isdang lumalangoy. Di rin kelangan ng tubig, pwera na lang siguro pagkatapos mong lumangoy.

Kung magkwento ako, parang sobrang tanda ko na. Di naman ako kasingtanda ng lolo ko. Maaga lang talaga akong nag-mature.

Pero tingin ko talaga, nagmana ako sa tatay ko. Me HIV din kasi yun. Kung bakit naman kasi isang dosena kaming magkakapatid, ako lang ang nakamana. Hawa!

Lahat na nga nasubukan ko para lang gumaling ang HIV ko, pero wala talaga. Eh ano magagawa ko eh sa meron ako. Kaya ang siste ko na lang, maging proud. Yun daw ang pruweba na ikaw eh sweet lover. Hehehehehe.

May Hair Is Vanishing ka na rin ba? Pareho tayo. Subukan mo mag-sabila, ikaskas mo sa anit mo. O kaya naman yung shampoo ng kabayo. Wag mo lang kalimutan yung tapa-oho mo, tapos punta kang San Lazaro magdala ka ng dividendazo.

April 28, 2008

Dedma Lang

Bago pa ako naging buraot at pakelamero, wala akong paki. Bata pa ako nun, dedma lang ako. Walang pakelaman. Blaha ka sa buhay mo. May sarili akong mundo.

Kuntento na ako sa mga laruan kong ginagawa lang. Kung meron mang binibili hindi naman kamahalan di tulad ngayon na ang mga laruan ay super hi tech. Mga trumpo, sumpit, teks, goma, holen, sipa. Yang mga yan binibili.

Me mga laruan naman kami na di mo na kelangang bilhin, pupulutin mo lang kung san, me instant toy ka na. Mga tansan ng sopdrink, pwede mo pitpitin at gawing paining. Nalimutan ko na tawag dun, pero pinipitpit namin yun at nilalagyan ng butas sa gitna, lalagyan mo ng tali at hihilahin mo iikot na sya ng mabilis na mabilis. O kaya yung mga palara at kaha ng yosi, ginagawa naming play money. Mas mahal pag Phillip kasi green parang dollars.

Ang intercative games namin ay good for the health kasi libreng exercise pa. Mga tumbang preso, patintero, tyato, habulan, luksong baka, moro-moro, pwede ring suntukan ala fight club ni Brad Pitt.

Pag medyo pang petik lang, pwede na ang kindergarten at bahay bahayan.

Pinaka type ko sa lahat yung moro-moro. Kasi ang version namin parang rugby football, bugbugan. Kaya madalas nauwi sa suntukan. Kahit pag recess, laro kami. Kaya kapag makikita ng titser namin na gula-gulanit na mga uniform namin at nagpuputik na mga mukha namin, pare pareho kaming nababatukan at dinadala sa guidance office.

Wala lang, naaalala ko lang nung bata kasi kapag bata ka pa, wala ka pa talagang pakelam. Kahit pa nagkakagulo na, dedma lang ako. Ewan ko sa yo. Siguro nagkaron lang ako ng concern nung ipina-ban ni Marcos yung Voltes V sa tv. Yun medyo napa isip na ko. Kaya kahit uhugin pa ko, gusto ko na rin makirally sa edsa nun. Kaso bawal daw ang bata sabi ng nanay ko kaya hindi rin ako naka punta.

Kaya ayun, nakuntento na lang ako dun sa mga tau-tauhan ko.

April 24, 2008

Kuta Kinabalu

Hindi ko kailangan ng kung anumang dahilan kung bakit di ako nakakapag post nitong nakaraan. Blog ko to, me reklamo?

Pero dahil madami naman akong mga repapits, sempre laging me alibi. Ang aking dahilan kung bakit bihira ako makapag orbits sa ibang mga blogs ng me blogs at bihira din ako makapag update? WALA LANG. TRIP KO LANG!

Medyo napagamot ko na kasi ng pautay-utay (pakonti konti ang ibig sabihin) si Tagpi. At heto nga at nagbabalak na si Tagpi na lumipat ng ibang kuta. Medyo nabugbog kasi nitong nakaraang taon, kaya pahiyang muna. Kumbaga sa mga manunugal, "Las-ma ang bekata sa wakali!" Kung kaya naghahanap na naman ako ng panibagong batcave dito sa US of A.


(pogi na ulet..)

Pero kahit maglipat-bahay at magpanibagong kuta kami ni Tagpi, tuloy tuloy lang itong Kulapo, lumalakas ata raket dito.

Kaya naman, hoy... yung mga nag-aabang dyan sa bago kong pautot, sige abang abang lang... i mean, sali na! Libreng pabwenas ko yan sa aking mga cachupoy na suki.

Pasasalamat muna kay Badoodels ng Kwentong Barbero.Com dahil sempre, sa kanya ko nakuha ang ideya ng pautot na ito bukod pa sa sandamakmak na trapik na nakukuha ko mula sa kanyang site. Tenks!

April 7, 2008

Sikatchupoy si BURAOT Contest!

Heto na po ang sinasabi nilang delubyo. Kung di mo alam ang delubyo, itanong mo muna sa lolo mo. Mula sa pinagsama-samang hanging amihan at habagat mula sa mga aplaya ng Timbuktu at mga masamang hanging nagmula sa kumukulong tyan ni BURAOT... ang pinaka pautot ng mga pautot.

Ang Sikatchupoy si BURAOT Contest!

Yahoooooooooooo!

Sino ang pwedeng sumali?
1. Bata, matanda, may ngipin o wala. Girl, boy, bakla, tomboy. Kahit na anong kasarian ka pa, babae, lalake, o di tiyak, kahit pa walang kasarian, pwede rin.
2. Kailangan sempre Pilipino ka, dahil di mo maintindihan ang mga epal dito. Pwede din ang half-half. Half Pilipino, Half Pilipina.
3. Lahat ng may blog. Kung wala ka namang blog, gumawa ka muna. Kaso di ka pa rin uubra dahil may time limit. Ang iyong blog ay kinakailangang hindi manananggal (fly-by-night) na blog. Ibig sabihin hindi pwedeng umistayl na gagawa ka lang ng bagong blog para maisali dito. (lang-magu to-its) Kailangang gumagana na yang blog mo mula pa April 01, 2008.

Kahit pa one thousand syete mil ang blogs mo, pwede mo isali lahat. Basta pasok sa criteria yung blog mo. Mas madami kang blog, mas madami kang chance na manalo ng sandamakmak na pasasalamat. Heheheheh.

Ano ang kelangang gawin para makasali?

1. Kailangang pumili ka ng isa sa mga post o article dito sa site na Anak ni Kulapo na tinginin mo ay nakapagpa-laglag ng panti mo or brief mo kaya, o kaya naman ay nakapagbago ng buhay mo, o kaya naman ay naka-apekto sa yo in a profound way (di ko lam tagalog ng profound), o kaya naman ay nakapagpa-tulo ng sipon mo, o kaya din naman ay super cachupoy sa kakornihan. In short, kahit anong post dito na nakatawag ng pansin mo. Sabihin ang mala impaktong dahilan kung bakit mo napili ito.

Example:

"Dear Lolo Buraot, napili ko po ang iyong post na Powder o Lotion dahil nakapagbigay po ito ng patok na ideya para makapag-libang. Oks. Babu.
"

2. Ikabit ang link ng nasabing post
3. Bukod sa link ng nasabing post, kailangan mo ding i-mention na sumasali ka sa mala-cachupoy na pakulong ito.
4. Ikabit ang link ng site na ito gamit ang bagong url na www.kopongkopong.com.

5. Pwede mong lagyan ng kahit na anong title ng post mo. Blaha ka nang mag-imbento. Pagtapos mong mai-post ang iyong entry, mag-iwan ng comment dito, para mai-tally ng mga board of judges. (ako yun)

Ang Premyo? Kelangan ba meron? (Nyehehhe. Joke lang.)


Pagsapit ng alas dose ng gabi empunto ng October 31, 2008, sarado na ang botohan. Pyesta ng mga patay, ay bobolahin na ng mga hurado (ako ulit yun) ang mga sumali. Within 3 to 5 days ay ipapaalam na natin kung sino ang mga wagi. Ang tatanghaling mga maswerteng mga nilalang ay makakakuha ng premyong sumusunod:

Grand Prize:
1. 3,000 entrecard credits at
2. Pumili ng isa sa mga sumusunod:

a. Three hundred dollars,
b. Tatlong daang dolyares,
c. Tres syentos estados unidos dolyares, o
d. Tatlong plastic balloon (used)


Second Prize:
1. 1, 000 entrecard credits at
2. Pumili sa mga sumusonod:
a. One hundred dollars,
b. One hundred pesos,
c. Isang daang baku-bako, o
d. None op da above


Third Prize:
1. 500 entrecard credits at
2. Pumili sa mga sumusunod:
a. Fifty dollars,
b. Singkwenta pesos,
c. Limampung pirasong sinkong kulot, o
d. Tenkyu mula kay BURAOT


Consolation Prize: (Kita mo naman sa pakontest, me consolation prize pa.)

Ang consolation prize ay mananalo ng $100.00 sa mapipili ni BURAOT na pinakamagandang post. Depende kung anong ganda, pwedeng pinaka-nakakatawa, pinaka-kyut, pinaka-korni at kung anumang post ang makakapag-palaglag ng brief ni BURAOT.

Last date of entry: 11:59 PM, October 31, 2008 PST (sori, kelangan oras dito sa aking hide-out and susundin)

Babala/Paunawa/Paalala/Pahabol/P.S.:

* Kailangang may blog ka na gumagana na noon pang January (sorry pow)April 01, 2008 o mas luma pa.
* Kailangang may paypal ka para maipadala sa yo ang sandamakmak na sampera. Kung wala kang paypal, gumawa ka ng account. Sayang ang ibabayad sa western union.
*Ang mga premyo ay non-transferable (ibig sabihin di ko pwedeng i-transfer sa yo. heheheh. joke lang. ibig sabihin, kung ikaw ang nanalo, sa yo ko lang pwede ibigay di pwedeng mo)
* Kailangang nakaka-intindi ka ng Tagalog.
* The promotor have all the rights pertaining to the rules of this promo. Per DTO permit 02-10.
*Bawal Omehe Deto! Ang Mahole Bogbog!

Para sa mga dagdag na tanong, reklamo, epal, mag-comment lang dito o mag-email sa buraot101@gmail.com.

Hala, game na!

March 19, 2008

Punitensya

Sempre eto na yung kasunod. Mga mala-impaktong ideya sa pagpe-penitensya. Kumabaga lahat ay nag-e-evolve kaya dapat medyo bago bago na rin ang style dapat sa pagpe-penitensya.

Pero kahit medyo bago ito kung susubukan, mala kopong kopong na rin naman ito dahil subalit datapwat ngunit because... matagal na itong naiisuggest nung mga tropa ko noong araw.

Eto ang suggestion number wan.

Mga kakailanganin: isang pasadyang slide, 100 pirasong blade (siguraduhing walang kalawang), isang toneladang kalamansi, at sandamukal na lakas ng loob.

Sa halip na magpahiwa ng blade sa likod bago hagupitin ng mga latigo, (opo, ganun po ang ginagawa kaya dumudugo yung likod nila, kasi kapag hindi nila sinugatan yun, hindi yun dudugo, maglalatay lang).. kung kaya sa halip na ganun, ganito na lang....

Magsalpak ng sandamakmak na blade sa isang pasadyang slide. Yung slide na makikita sa playground, ganun. Itapat sa gilid ng swimming pool. Itapon ang isang toneladang katas ng kalamansi sa swimming pool. Wala! Tapos na ang iyong props.

Ngayon, umakyat sa itaas ng slide at magpadulas. O di ba? One quick slide lang hiwa-hiwa na likod mo. Pagkatapos, yung babagsakan mong swimming pool na puno ng katas ng kalamansi. O di ba hapdi? Mas okey pa kasi sigurado mabilis na gagaling yung mga sugat mo.

Yan ang penitensya. Pang Guiness Book.

DISCLAIMER SEMPRE: MGA BATA WAG ITONG GAGAYAHIN. MGA MATATANDA PROPESYUNAL LAMANG PO ANG GUMAGAWA NITO. KUNG GUSTO MO DING SUBUKAN, BLAHA KA SA BUHAY MO.

December 15, 2007

PSP: Ang Alamat ng Larong Sumpit

Hindi ito tungkol sa Playstation Portable na uso ngayon. Ito ay sa larong uso noon nung kapanahunan namin ni pareng kopong kopong, ang PSP, PaSumPit. As in Sumpit.

Ngayon kasi uso na ang mga war games war games gamit ang paintball o airgun. Enjoy di ba? Kala mo real life, minus the totoong mga baril. Kaso mo mabigat din sa bulsa.

Naalala ko tuloy (dami ko naaalala), mula sa bahay namin sa Dimasalang, dadayo pa kami nina Limahong dun sa Blumentritt, lakad lang. Hindi para mamalengke kundi para bumili ng supot supot na balatong (munggo). Tapos dadaan kami dun kina Mang Sebyo na Intsik para naman bumili nung pang sumpit. Di ko na matandaan tawag dun, kopong kopong pa eh. Yun yung plastik na parang straw kaso medyo mas makapal at mas mahaba sya. Yun ang ginagawa naming sumpit.

Didesenyuhan pa namin yung sumpit na animo eh baby armalite gamit ang rubber bands at kung anu-anong maisip namin. Meron pang magasin na gawa sa bahay ng posporo. O di ba hitech. War games na! Yung iba, lumalabas ang natural na pagka-creative kasi meron pa silang belt na puno ng magasin (bahay ng posporo na puno ng munggo), galing. Reload lang ng reload kapag naubusan ng bala sa gyera.

Meron din kaming mga armor at bullet-proof vest gawa sa mga karton na nahingi namin dun sa tindahan nina Aling Charing. Sempre, masakit din kaya makatama yun. Minsan nga, natamaan ako sa mata, sakit. Eh di pa naman uso goggles nun. Kaya bawal magpatama sa mata, delikado. Ang style ko, sa tenga ko pinupuntirya, para iging.

Bukod pa sa masakit sya makatama, mabantut pa minsan. Kasi yung nangsumpit sa yo kakagising pa lang, di pa nagtu-tutbrash. Madalas pagkatapos ng war games, no choice ka kundi maligo kasi basang-basa ka sa laway kakasumpit sa yo nung kalaban. Kadalasan pa naman, kala mo automatic rifle ang style nung sumpit nila kung magbuga. Mas marami pang laway kesa sa bala. Lagkit. Amoy araw ka na nga, amoy laway ka pa.


O di ba? Bukod sa mura na, libre exercise at enjoy pa. Siguraduhin mo lang magdamit di kagaya nung nasa piktyur sa itaas. Kase bukod sa baka mapulmunya ka, sigurado maliligo ka sa laway.