Hayskul pa lang, tomador na ako. Kahit ilang araw ang inuman, di mo ko mapapasuka, lalo nang mapapatumba.
Bagsak na lahat, nakatayo pa ko. Pinang-mumumog ko lang yang beer sa umaga tol. Ganun ako katindi. Lahat kainuman ko, mga kriminal dun sa me riles, mga tambay, mga siga-sigang lolo na. Kahit sino basta me alak. Kahit paghalu-haluin mo pa, sisiw, alang wenta.
Kaya medyo nagulat ako nung madalas ako naba-blackout. Iniisip ko, baka naman lason na ang ipinapainom sa kin ng mga ulol na kainuman ko. Di kaya?
Buhat nung lumabas ako ng ospital, ganun na. Na-confine kasi ako dun sa hospital na ano na nga yun? Di ko na matandaan ang pangalan nung ospital na yun dun sa may QC. Dun yun sa me Scout Ekek street. Di naman kasi mukhang ospital. Nagulat pa nga ako, sabi ko sa ate ko, "bakit dito ako dadalhin?". "Eh dito yung ospital ng duktor mo eh," sagot naman nya. "Bakit ano ba yung duktor ko, pang-aso?"
Pamilyar pa nga yung ospital, kase nung bata pa ako napanood ko na yun sa isang pelikula ni Jun Aristorenas. Yung me sindikato sila at nanggogoyo sila, dun nila dinadala. Baka di mo kilala yung si Jun Aristorenas, kung hindi, di bale na lang. Kalimutan mo na lang na nabanggit ko. Panahon pa kasi ni kopong-kopong yun eh.
[segway muna. Dito sa ospital nabuo yung panganay ko ; )]
So paglabas ko dun ganun na. Tuwing malalasing ako, Bam! Blackout. Ni hindi ko namamalayan. Isang minuto ok pa, tapos Bam! wala na, di ko na matandaan.
Minsan, niyaya kami nina Bekbek dun sa katropa nya. Punta naman kami, inuman eh. Saka libre. Ayos, pare. Okay sa olrayt! Matutuwa na naman mga bulate ko sa tiyan, me supply na naman.
Natatawa pa nga kami ke Atules na medyo tinamaan. Nag-nganga-ngawngaw, me problema ata. Sempre asikaso naman namin, tropa eh.
Tapos..... Bam!
Pagpasok ko kinabukasan sa iskul, pangiti-ngiti pa ko. Nakita ako ni Amboy, mukhang worried. "Oh, pre ano nangyari sa yo?!" tanong nya sa kin. Di ko siya maintindihan. Pero ang dating sa akin nung reaksyon nung mukha nya parang sinasabing, "Yari ka! Me napatay kagabi ikaw ang suspek!"
Bigla akong kinabahan. Pakiramdam ko me ginawa akong malaking kabalbalan. Naisip ko tuloy, teka... kagabi nga pala, di ko na alam kung papano nakauwi. Saka... hindi ko makita yung mga sapatos ko. Hmmnn.... Naku, baka me nagawa ako kagabi ah. Sino naman kaya ang hinabol ko ng taga? Kanino naman kayang bahay ang sinunog ko? Magtatago na ba ako?
Hinila na ako sa gilid ni Amboy at sinabi sa akin lahat. Sa sobra palang lasing ko kagabi, dun na ako pinatulog sa bahay nina Bonsai. Pero sa sobrang kulit ko daw, muntik na kong gulpihin, nahiya lang ke Bekbek. Inakyat daw ako sa kwarto at pinatulog, kaso tayo ako ng tayo at gala ng gala. Pasok pa daw ako sa kwarto ng me kwarto.
Hmmmnnn. Naalala ko, kagabi nga pala naglalaro ako ng Super Mario at panay ang pasok ko sa mga time warps.
Tinanong pa ako ni Bekbek nung makita ko, kelan ko daw kukunin dun yung sapatos ko kasi naiwan ko daw. Aha! Andun pala yung nawawala kong sapatos!
Kaso sa sobrang hiya, di ko na binalikan. Nagtanung-tanong pa nga ako kung papano ako nakauwi, sabi nila, umuwi daw akong mag-isa na walang sapatos. Buti di ako na-salvage. Bakit kasi hindi pa ko sumabay sa kanila umuwi at nagpaiwan pa ko. Hmppt! Takaw kasi sa alak.
Minsan naman nung maligaw ako dun sa probinsya namin, me mga kainuman naman akong mga ka-tropa ko dun. Maya-maya me nag-debate at halos magsaksakan na. Yung isang aastig-astig dun na kainuman ko, kaaway nung isang pinsan ko. Nakikiramdam lang ako sa kanila. Alam ko naman na aawatin sila nung isang matandang siga na kainuman din namin.
Nakikiramdam lang ako ng biglang..... Bam!
"Hoy bangon na, me pasok ka pa ata!" sabi nung pinsan kong parak na naka-duty sa munisipyo. "Lasing na lasing ka kagabi, di ata alak ininom mo eh. Baka naman durog ka?" "Hindi ah, ano ba nangyari?", tanong ko.
Habang humihigop ako ng ibinigay nyang kapeng barako, ikinuwento nya lahat. Umalis daw ako dun sa pinag-iinuman ko, umuwi at kumuha ng gulok. Dumaan pa daw ako sa isang tindahan at humingi ng red horse, di ko daw binayaran. Tapos, palakad-lakad daw ako sa bayan, hinahanap ko yung na-kaaway nung pinsan ko. Pag me nasasalubong daw ako, hinahabol ko ng taga. Heheh. Buti naman wala akong inaabot.
Hanggang makita ko daw sa lamay yung hinahanap ko. Me lamay daw pala sila. Kakamatay lang nung tatay. At dun ako nanghahamon ng away. Me isang astig na pumatol, buti nabitawan ko yung gulok at nagbugbugan kami dun sa me kangkungan. At ayun nga, dating ang mga lespu at kalaboso ang labas ko. At eto, me clue, nawawala yung tsinelas ko. Kakahiya.
"Buti hindi magdi-demanda," dagdag pa ni sanpits.
Minsan naman, nasa Gapo na ko, nagkita kami dun ni Clapton. Sempre tuwang-tuwa ako kase long time no see. Ilang taon na kasi ako sa Gapo at ala na kong kontak sa mga Tropang Ekis at mga kasams. Inom kami dun sa me Sam's. Senglot na kami pareho pero pakiramdam ko bitin pa. (lagi naman) Nung maghiwalay kami ni Clapton, sya pauwi na dun sa syota nya, ako naman dumaan pa sa isang bar.
Lumalango ako ng isang basong beer ng biglang..... Bam!
Ginigising na ko ng isang mamang naka blue na uniporme. Naka-harang sa pagitan namin, rehas na bulok. "Hoy gising na, pwede ka nang umuwi!". Iniisip ko, bakit ako andito? Yari pare blackout na naman siguro. Ano na naman kaya ito. Wala na naman ang sapatos ko kaya alam ko agad na me kabalbalan na naman ako kagabi. Para tuloy akong aswang, nag-iibang anyo tapos pagkatapos manlapa, bumabalik sa dati pero di alam kung anong ginawa.
Pupungas-pungas pa ako nung pinapirma nung pulis sa release form. "Pasalamat ka, hindi magde-demanda yung may-ari..." sabi nung pulis. "Ano ho bang nangyari?" tanong ko sempre. "Eh lasing na lasing ka at nagwawala dun, pagkatapos mong sampalin yung bakla," kwento nya. "Nagsisi-sigaw ka pa nga dyan sa kulungan kagabi, nagtataka nga ako, walang bumugbog sa yo," Patay. Grabe na to. Di na ako nag-usisa pa.
Bilis-bilis akong pumirma dun sa papel na sa laking pasalamat ko, hindi ko naman tunay na pangalan. Kahit matindi ang hang-over ko, naisip kong medyo lusot ata ako. Kaya iniba ko din pirma ko. Siguro kagabi, ibang pangalan ang ibinigay ko sa mga parak. Kaya hayun, umuwi na naman akong naka-paa. Halos isumpa ko ang alak.
Sempre, propesyunal na dating ko, saka sa gobyerno na ko nagta-trabaho, masisira reputasyon ko no. Kung meron man. Hay naku. Walaaa talaga akong kadala-dala.
Kaya ngayong andito na ko sa Merika, iwas na muna. Mahirap dito alang areglo-areglo. Saka baka mabaril pa ko nung mga LAPD na pasmado ang mga kamay, wag di mabunot yung baril, pumuputok.
Kaya kung gusto mo akong yayaing uminom, dito na lang tayo sa bahay, para alang aberya.
Minsan type ko beer, minsan naman wine lang kasi medyo malamig naman dito. Tulad ngayon, pa sip sip na lang ako nitong konting red wine. Okey daw kasi ang red wine sa blood circulation saka... teka, parang.... parang lumilindol ata... teka...... parang.....
Bam!